Sa ating mga guro at sa aking mga kapwa estudyante,
magandang araw po sa inyong lahat. Ako po si Karl Emmanuel E. Blanco mula sa
Mataas na Paaralang Rural ng Unibersidad ng Pilipinas. Naririto po ako ngayon
upang magbahagi ng kaunting kaalaman at mga payo tungkol sa maayos na
pagbabalanse ng oras. Marahil isa na sa pinakamahirap na problema o di kaya’y
pagsubok na kinakaharap ng isang estudyante ay ang pagbabalanse ng oras. Parte
ng buhay-estudyante ang pagbabalanse ng oras sa mga gawaing akademiko (acads),
mga gawaing ko-korikular tulad ng isports, at pagiging isang mabuting anak,
kaibigan, at kapatid (kung mayroon man). Bilang isang estudyante, ako rin mismo
ay nahihirapan sa pagbabalanse ng aking oras. Ngunit, paano nga ba natin dapat
balansehin ang ating oras? Magbibigay ako sa inyo ng ilang mga payo ng
epektibong mga paraan at mga magagandang kaugalian sa pagbabalanse ng inyong
oras. Isang magandang kaugalian upang magkaroon ng maayos at epektibong
pagbabalanse ng oras ay ang disiplina. Kapag ang isang tao ay may disiplina,
makakaya niyang balansehin ang kanyang oras nang maayos. Sa pagbabalanse ng
oras makatutulong ang paggawa ng schedule na madaling masunod at kayang mailapat
sa panibagong oras kung magkaroon man ng mga hindi inaasahang pangyayari. Kapag
ang isang tao ay may disiplina sa sarili, makakaya niyang sumunod sa kahit
anomang schedule ang gawin niya. Kailangan ding maging responsible ng isang
estudyante. Kapag alam ng isang estudyante ang mga responsibilidad niya, alam
din niya kung ano-ano ang mga bagay na kailangan niyang gawin. Kapag alam na ng
isang estudyante kung ano ang kanyang mga responsibilidad, malalaman na rin
niya kung ano-ano rito ang kailangan niyang unahin at magagawa na rin niya nang
maayos ang kanyang schedule. Kapag alam na alam na ng isang estudyante ang kanyang mga
responsibilidad, sa simula pa lamang ay maisasaayos na niya ang kanyang mga
gawain at madali na rin niyang malilipat sa panibagong oras ang mga gawain kung
magkaroon man ng mga hindi inaasahang pangyayari. Iwasan natin ang multitasking o ang pagpipilit sa
pagsasabay-sabay ng mga gawain kaya’t nawawalan ng pokus ang mga estudyante sa
paggawa. Iwasan din ang cramming o
ang pagsasabay-sabay at paggawa ng mga gawaing matagal nang iniatas kung kalian
malapit na ang deadline o pasahan.
Nagdudulot ito ng stress na maaaring
maging sanhi ng hindi maganda o maayos na pagkakagawa sa mga gawain. Para sa
akin dapat pa rin nating unahin ang ating pamilya at mga kaibigan dahil sabi
nga ng iba, “Ang mga tao ay may pakiramdam at kayang magbalik ng pagmamahal sa
iyo di tulad ng acads, pinaghirapan mo, pero hindi naman niya kayang magbalik
ng pagmamahal sa iyo.” Dapat unahin pa rin natin ang pamilya at mga mahal natin
sa buhay dahil sila rin naman ang magpapahalaga sa mga pagsisikap na ginawa
natin sa pag-aaral natin. Siyempre, mayroon din namang mga pagkakataong mas
mahaba ang panahong iginugugol natin para sa pag-aaral kaysa sa pamilya, tulad
panahon ng markahang pagsusulit, at iginagalang naman nila iyon dahil alam
nilang naghihirap tayo para sa kanila. Kadalasan, ako’y naglalaan ng tatlo
hanggang apat na oras para sa mga gawaing akademiko (tests, requirements,
projects, etc.) at isa hanggang dalawang oras naman para sa mga ko-korikular na
gawain. Kadalasan ay may laro kami tuwing Sabado at Linggo sa Volleyball
Varsity bilang bahagi ako ng team. Mahirap man ang pinagdaraanan nating mga
estudyante, hinahanda tayo sa isang lalong magulong mundo upang hindi tayo
mabigla sa hinaharap. Ang mga natututunan natin ngayon ay magagamit natin sa
kinabukasan para sa ikauunlad ng bansa. Muli, ako po si Karl Emmanuel E.
Blanco. Magandang araw po sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment