Magandang umaga sa lahat ng nandito ngayon. Ako si Bastian Nathaniel F. Calabia, at ako ay nandito upang magsalita tungkol sa isa sa mga pinakaimportanteng bagay na kailangan niyo matutunan: ang pagbalanse ng pagiging mabuting mag-aaral sa pagiging mabuting tao. Kasi alam naman nating lahat na kailangan rin natin maging mabuting kaibigan, kapatid at anak. Kaya kailangan natin malaman kung paano tayo magtatagumpay sa lahat ng bagay na ito.
Unang una, kailangan natin unahin ang pinakaimportante. Ang sarili mong kalusugan. Kailangan ito dahil kung hindi mo aalagaan ang sarili mong katawan ay baka hindi mo kayang gumawa ng ibang bagay. Kaya walang problema kung hindi ka pumasok sa paaralan kung hindi mo talaga kaya. Pero hindi ibig-sabihin nun ay pwede mo nalang gawing katwiran para lumiban sa pag-aaral. Iwasan mo magkaroon ng sakit kung makakaya, dahil ikaw rin ang maapektuhan sa huli.
Sunod naman ang ating pamilya. Kung may hinaharap kayo na suliranin, huwag mong unahin ang pag-aaral o paglalaro. Kailangan gawin mo ang makakaya mo at tumulong ka para hindi na kayo maghirap. Maiintindihan naman ng iba kung may pinagdadaanan ka kaya dapat mo itong unahin.
Pagkatapos ng pamilya, ang pagiging mabuting estudyante naman ang kailangan nating tutukan. Mag-aral ka nang mabuti, huwag kang tamarin. Alamin mo sa sarili mo kung paano ka makakagawa nang ayos. Kung kaya, gawin mo nang maaga ang requirements mo para wala ka nang problema pagkatapos. Kung ano ang maibibigay mo ngayon ay sasalamin sa kung anong klaseng tao ka magiging pagkatanda mo.
Kapag nagawa mo na lahat ng ito nang ayos, ikaw naman ay dapat maging mabuting kaibigan. Makisama ka sa ibang tao. Suportahan mo sila kung may kailangan sila. Hindi lang naman kasi puro acads ang makakapagsabi kung sino ka bang tao. Huwag ka maging makasarili. Dapat ay maging mabuti ka rin sa iba at hindi lamang sa sarili mo.
Ang dami mong kailangan gawin diba? Pero huwag kang matakot. Marami ka talagang isasakripisyo pero ito ay makakabuti sayo sa huli. Malalaman mo rin sa sarili mo kung ano ang tama kung sasanayin mo lang sarili mo. Kung kaya ng ibang tao, edi kaya mo rin. Pero huwag mo ikumpara ang sarili mo sa iba. Ito ang madalas na pagkakamali ng iba. Iba ka sa iba kaya wag mong pilitin maging hindi sarili mo. Kilalanin mo ang sarili mo sa sarili mo. Hindi naman sa hindi ka dapat magbago ngunit magbago ka sa kung anong mabuti para sa lahat at hindi lang sayo o sa ibang tao. Kapag nakilala mo na ang sarili mo, gawin mo ang lahat ng makakaya mo para pabutihin ang sarili mo para sa lahat.
No comments:
Post a Comment