Featured Post

Maligayang Pagbisita!

Kamusta! At naririto kayo sa isang blog na naglalaman ng mga mahiwagang posts at 'videos' na naglalaman ng mga impormasyong tungkol...

Friday, October 5, 2018

Ezekias D. Correa - Talumpati 1








Transcript:


Magandang araw sa inyong lahat. Ako ay si Eias Correa. Isa akong mag-aaral sa Mataas na Paaralang Rural ng Unibersidad ng Pilipinas. Hindi lahat ng kabataan ay nabibigyan ng pagkakataong mag-aral, kaya’t maituturing kong isang napakahalagang pagkakataon na maranasan ko ang buhay estudyante. 

Masasabi ko na ang isang estudyante ay hindi lang puro masasayang talakayan sa loob at labas ng silid aralan. May mga pagkakataon ding malungkot, o puno ng hamon at problema. Marami naman sa atin ay nakaranas o nakakaranas ng problemang, tawagin na lang natin sa pangalang REQS, o pinaikling requirements, na parang walang katapusan.

Nakakabit sa problema sa requirements ang nakikita kong mas malaking problema ng mga estudyante: ang pagbabalanse ng academics, co-curricular activities, at mga gawain sa labas ng paaralan. Sa unang tingin, parang masyadong marami ito para sa isang estudyante.  Kapag ang mga ito ay hindi nababalanse, tayo ay maguguluhan, at wala namang may gusto ng ganoon, hindi ba?

Ngunit kaya naman ng isang estudyante na balansehin ang mga gawain. Sa pagbalanse ng mga ito ay mas dadali ang buhay at mas uunlad ang isang estudyante hindi lang sa aspetong pampaaralan, bagkus ay sa pansariling pagunlad bilang tao.

Paano naman mababalanse ang mga gawain? Mayroon akong tatlong mahahalagang payo sa inyo.
Una: gawin muna ang mga mahahalaga. Tanggapin natin: hindi masaya ang mga requirements. Dahil sa requirements, nawawalan tayo ng oras para sa ating mga sarili. Ngunit kapag inuna natin ang mga nagpapasaya sa atin, tatambak nang tatambak ang mga requirements na hindi nagagawa. Kaya kapag malapit na ang deadline, saka nagmamadali. Para hindi na umabot sa cramming, unahin na ang mga mahahalagang dapat nang maisumite. May kasabihan nga ako diyan: sakripisyo bago sarap. Kapag inuna natin ang mga requirements, hindi na natin kailangan magmadali kapag malapit na ang pasahan, at lumuluwag din ang ating mga oras para sa ibang gawain. Kaunting sakripisyo lang naman ang kailangan.

Ang pangalawang payo ko ay: Hindi masamang humingi ng tulong. May mga pagkakataon na nahihirapan talaga tayo. Dito pumapasok ang mga ating mga guro, kaklase, kaibigan, at kapamilya. Kapag hindi ka humingi ng tulong, patuloy kang mahihirapan, at maaapektuhan rin nito hindi lamang ang iyong pag-aaral pati na ang iyong mga emosyon. Sa paghingi mo ng tulong, mas makakaya mong harapin ang iyong mga problema at gagaan ang iyong pakiramdam. Mas madali kang makakagawa ng requirements, at mas magkakaroon ka ng oras para sa mga ibang bagay.

At ang pangatlong payo ko ay: magpahinga pagakatapos ng trabaho. Nagpuyat ka, nagpagod ka, at sa wakas tapos ka na. Ano na ang iyong gagawin? Magpahinga! Magpahinga ka sapagkat nagawa mo na ang dapat gawin. Magpahinga ka rin upang magkaroon ka ng lakas at magandang pakiramdam para sa mga susunod na gawain.

Bago ako magpaalam, uulitin ko lang aking tatlong payo para mabalanse ang mga gawaing-pang estudyante. una: sakripisyo bago saya, pangalawa: hindi masamang humingi ng tulong mula sa iba, at pangatlo: magpahinga! Nawa’y may napulot kayo sa aking mga muniting payo.

 Maraming salamat at magandang araw sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment