ma·na·na·lum·pa·tî png |[ mang+ta+ talumpati ] :tao na mahusay magtalumpati : ORADÓR, ORATOR, RHETORICIAN
Featured Post
Maligayang Pagbisita!
Kamusta! At naririto kayo sa isang blog na naglalaman ng mga mahiwagang posts at 'videos' na naglalaman ng mga impormasyong tungkol...
Monday, October 8, 2018
Basti Calabia - Talumpati 2
Ako, si Bastian Nathaniel F. Calabia, ay humihingi ng tawad sa mga aksyon kong nagawa noong isang araw. Alam kong mahirap itong pag-usapan pero kailangan ko itong gawin para maayos na rin lahat. Ginagawa ko ito hindi lamang para sa aking sariling integridad ngunit para sa mga taong nadamay o nasaktan sa aking mga pagkakamali.
Umaamin ako na ako ang mali sa nangyari. Hindi ko dapat ginawa yun at hindi ko na ipaglalaban ang sarili ko dahil wala rin akong mapapala. Ang hinihingi ko lang sa inyo ay patawarin ako sa mga ginawa ko, at mabigyan ako ng pagkakataon para magbago.
Ako ay walang sinisisi kundi ang sarili ko lamang sa mga nangyari. Alam ko na sobrang hirap kalimutan ng nangyari ngunit hinihingi ko lang sa inyo ang inyong pag-unawa. Sana naman ay mapatawad niyo rin ako sa aking mga pagkakamali. Sana naman ay maibalik na sa tama ang lahat. Gagawin ko ang lahat ng akin makakaya upang hindi na maulit ang mga nangyari.
Naiintindihan ko naman na hindi ako basta-basta lang na makakatakas o makakaiwas sa parusa. Kahit pa gaano kabigat ang ibigay niyo na parusa sa akin, tatanggapin ko nalang ito dahil alam ko na ito ay magdidisiplina sa akin. At dito ako matututo para magbago.
Ito rin sana ay maging babala sa ibang mag-aaral katulad ko na may masamang binabalak. sana naman matanggap nila ang mensaheng ito na huwag ako tularan. Hindi tama ang ginawa ko at wala akong napala na mabuti sa mga kilos kong ito. Parusa lang ang naabot ko kaya sana hindi ito mangyari sa inyo. Magbago na kayo habang kaya niyo pa.
Ako ay natuto na sa aking mga pagkakamali kaya gagamitin ko ito para maging mas mabuting tao. Magsisimula na ako magbago para sa mabuti. Magiging maingat na ako sa aking mga salita at gawa. Hindi na ako magiging pasaway na bata. Magiging responsable na ako sa aking mga aksyon. Ang kabutihan ay ipapalit ko sa aking mga nmasamang ginawa dati. Kahit pa mahihirapan ako, alam ko na ito ang tamang paraan. Kapag ginawa ko ito, alam ko na hindi na ako magiging problema sa inyo at hindi ko na pahihirapan ang sarili ko at ibang tao.
Sa mga nadamay na estudyante, guro, magulang at iba pang tao: humihingi ako sa inyo ng pasenya. Tanggapin niyo pa rin sana ako. Maraming salamat sa pakikinig at sa pagkaunawa.
Basti Calabia - Talumpati 1
Magandang umaga sa lahat ng nandito ngayon. Ako si Bastian Nathaniel F. Calabia, at ako ay nandito upang magsalita tungkol sa isa sa mga pinakaimportanteng bagay na kailangan niyo matutunan: ang pagbalanse ng pagiging mabuting mag-aaral sa pagiging mabuting tao. Kasi alam naman nating lahat na kailangan rin natin maging mabuting kaibigan, kapatid at anak. Kaya kailangan natin malaman kung paano tayo magtatagumpay sa lahat ng bagay na ito.
Unang una, kailangan natin unahin ang pinakaimportante. Ang sarili mong kalusugan. Kailangan ito dahil kung hindi mo aalagaan ang sarili mong katawan ay baka hindi mo kayang gumawa ng ibang bagay. Kaya walang problema kung hindi ka pumasok sa paaralan kung hindi mo talaga kaya. Pero hindi ibig-sabihin nun ay pwede mo nalang gawing katwiran para lumiban sa pag-aaral. Iwasan mo magkaroon ng sakit kung makakaya, dahil ikaw rin ang maapektuhan sa huli.
Sunod naman ang ating pamilya. Kung may hinaharap kayo na suliranin, huwag mong unahin ang pag-aaral o paglalaro. Kailangan gawin mo ang makakaya mo at tumulong ka para hindi na kayo maghirap. Maiintindihan naman ng iba kung may pinagdadaanan ka kaya dapat mo itong unahin.
Pagkatapos ng pamilya, ang pagiging mabuting estudyante naman ang kailangan nating tutukan. Mag-aral ka nang mabuti, huwag kang tamarin. Alamin mo sa sarili mo kung paano ka makakagawa nang ayos. Kung kaya, gawin mo nang maaga ang requirements mo para wala ka nang problema pagkatapos. Kung ano ang maibibigay mo ngayon ay sasalamin sa kung anong klaseng tao ka magiging pagkatanda mo.
Kapag nagawa mo na lahat ng ito nang ayos, ikaw naman ay dapat maging mabuting kaibigan. Makisama ka sa ibang tao. Suportahan mo sila kung may kailangan sila. Hindi lang naman kasi puro acads ang makakapagsabi kung sino ka bang tao. Huwag ka maging makasarili. Dapat ay maging mabuti ka rin sa iba at hindi lamang sa sarili mo.
Ang dami mong kailangan gawin diba? Pero huwag kang matakot. Marami ka talagang isasakripisyo pero ito ay makakabuti sayo sa huli. Malalaman mo rin sa sarili mo kung ano ang tama kung sasanayin mo lang sarili mo. Kung kaya ng ibang tao, edi kaya mo rin. Pero huwag mo ikumpara ang sarili mo sa iba. Ito ang madalas na pagkakamali ng iba. Iba ka sa iba kaya wag mong pilitin maging hindi sarili mo. Kilalanin mo ang sarili mo sa sarili mo. Hindi naman sa hindi ka dapat magbago ngunit magbago ka sa kung anong mabuti para sa lahat at hindi lang sayo o sa ibang tao. Kapag nakilala mo na ang sarili mo, gawin mo ang lahat ng makakaya mo para pabutihin ang sarili mo para sa lahat.
Princess Angela D. Garcia - Talumpati 2
Ako si Princess Angela D. Garcia, baitang siyam mula sa seksyong Acacia. Naririto ako para humingi ng tawad sa nagawa kong pagsasabi ng masamang bagay noong Oktubre 1 sa isa kong kaklase na nagdulot ng kanyang takot na pumasok ng paaralan nung sunod na araw.
Aaminin ko, nagpadala ako sa bugso ng aking emosyon. Mainit ang aking uli noong mga oras na iyon dahil sa personal na rason. Ngunit hindi iyon sapat para magawa ng isang indibidwal na sigawan at insultuhin ang kanyang kapwa. Hindi makatarungan na ibuntong ang kanyang galit sa iba lalo na khng wala silang kinalaman. Nagsisisi ako ng bukng puso sa nagawa ko at handang harapin ang kung ano mang parusa ang mahatol sa akin.
Sinsigurado kong ang pangyayaring na sangkot ako ay di na muling mauulit dahil napagtanto ko na ang pagkakamali ko na nakaapekto sa relasyon ko sa aking kaklase at sa aking reputasyon bilang isang estudyanteng nag-aaral sa Mataaas na Paaralang Rural ng Unibersidad ng Pilipinas. Mula sa insidenteng ito, napulot ko ang aral na tunay na dapat kumalma muna at isipin ang iyong sasabihin bago bumigkas ng anumang salita lalo na kung matinding bugso ng emosyon ang iyong nararamdaman. Para sa kaklase ko, sana’y mahanap mo sa iyong puso ang patawarin ako, hindi ko sinasadyang masabihan ka ng masasamang bagay na resulta ng aking galit noong araw na iyon. Sana’y mabigyan mo ako ng isa pang pagkakataon upang tayo’y magkaayos at maging magkaibigan muli. Sa lahat ng taong nandito, ako’y lunos na nagsisisi at humihingi ng paumanhin. Sana’y huwag niyo ako kamujian dahil tulad niyo, nagkakamali rin ako. Pangako ko, mula sa araw na ito, ako’y magbabago tungo sa kabutihan. Gabayan nawa ako ng Diyos sa lahat ng aking sasabihin at gagawin, para sa iba, sana’y maging halimbawa ako upang pagisipan niyo ng mabuti ang bawat salitang inyong sasabihinay may malakaing epekto sa taong sasabihan niyo. Muli ako’y humihingi ng tawad sa pagsasita ng masamang bagay sa aking kaklase. Yun lamang po at maraming salamat.
Princess Angela D. Garcia - Talumpati 1
Transcript:
Sa mga magulang, estudyante, guro, at mga taong naririto, magandang umaga sa inyong lahat. Nais kong magpasalamat sa oportunidad na ibinigay niyo sa akin upang maibahagi ko ang mga karanasan at paraan ko upang magampanan ko ng mabuti ang akung responsibilidad bilang isabg estudyante, anak, kaibigan, at kapatid.
Bilang isang tao, marami tayong hangad sa buhay na nais nating gawin, walang bagsak na pagsusulit, makapaglaro ng paboritong isport, makapag gala kasama ang barkada, o di kaya, magkaroon ng sapat na oras kasama ang pamilya.
Bilang estudyante, hindi madali na magawa ang lahat ng ito, dahil kaliwa’t kanan ang pagpapasa ng mga reqs: mga takdang aralin, proyekto, isama mo na ang nga mahabang pagsusulit na hindi nawawala at kung ano pang mga aktibidad sa paaralan na kailangan ang partisipasyon mo. At tuwing may lakad ang barkada, usong uso ang mga salitang, “sorry di ako pwede, next time na lang,” dahil may ipapasa pang reqs na malapit na ang deadline. At kung may pagtitipon ang pamilya, tumatanggi na agad dahil nasa isip na ang oras na magagamit ay selebrasyon ay dapat nakagawa ka na ng mva reqs. Ngunit napagtanto ko na ang mga ginagawa kong iyon ay nagpapalayo sakin sa mga kaibigan at pamilya ko. Oo, walang masama sa pag-aaral, ngunit kung ito’y nakakaapekto na sa relasyon mo sa mga taong mas importante pa sa acads, baka kailangan mo na maghinay-hinay at mag-isip.
Sa totoo lang, magagawa mo naman lahat ng mga bagay na yun, ang pagtapps sa mga reqs, makapaglaro, makasama sa mga gala ng barkada at magkaroom ng time sa pamilya sa pamamagitanng pagiging disiplinado at pagkaroon ng time management. Para sa akin, ang time management ang pinaka kailangan ng mga estudyante, at dahil doon, sana makatulong ang mga ibabahagi kong mga payo upang mapadali ang inyong buhay estudyante.
Una, huwag natin ugaliin ang multitasking dahil hindi ito nakakatulong sa karamihan, ito’y nagsisimula ng mga gawain ngunit mahirap tapusin dahil sabay-sabay mong ginawa ang mga dapat mong gawin. Kaya, ang pag-alam sa priority mo ang kailangan uoang makagawa ng checklist na gagabay sayo sa order ng paggawa ng reqs. Kung maaari rin, mabuti munang lumayo sa cellphones, computer, laptops, o t.v. upang hindi malibang sa priorities mo na dapat gawin.
Pagkatapos gawin ang reas, magpahinga ka muna, kailangan mong kunuha ulit ng enerhiya para makagawa ng ibang bagay. Dahik tapos ka na sa mvga dapat gawin pang iskul, maaari ka ng gumala kasama ang barkada ag makasama sa mga Family Reunions. Sa kabuuan, ang buhaybikang estudyante ang nagtuturo sa’yo ng mga paraan na magagamiy niyo sa pagtanda. Dahil tinuturuan tayo na bilang estudyante, kailangan natin ng disiplina, time management, at sipag kung gusto mo nang dumali at maenjoy ang bawat araw na binigay sa atin ng Diyos. At laging tandaan na huwag susuko dahil kahit kailan may nagmamahak sa’yo, at ang Diyos ay di ka iiwan sa mga pagsubok mo sa buhay na sigurado mong malalampasan.
Yung lamang po, maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat.
Charlene May B. Tamisin - Talumpati 2
Transcript:
Ako po si Charlene May B. Tamisin, isang mag-aaral ng UP Rural High School. Nandito upang maglahad ng isang public apology sa aking guro at sa aking mga kaklase. Noong ikatlo ng Setyembre taong 2018, ako po ay nagkaroon ng kasalanan. Ako po ay nandaya sa aming pagsusulit sa aking Filipino subject. Nagawa ko lamang po ito dahil gusto kong pumasa sa subject na iyon, hindi po ako nakapag-aral sa gabing bago ang pagsusulit. Hindi ko po inaasahan na magiging ganoon kalaki yung kaso ko, ako po ay humihingi ng tawad.
Kay Sir Jaycee Cabilao, patawad po sapagkat hindi po ako nagkaroon ng oras para sa pag-aaral ng iyong subject. Patawad po sapagkat ako ay nandaya pa upang makapasa. Patawad po dahil kayo ay naabala at nadamay pa sa aking kaso. Sa kaklaseng kinopyahan ko, patawad. Patawad sapagkat ikaw rin ay naabala at nadamay sa aking kaso. Patawad sapagkat ang iyong pinaghirapang aralin ay kinopya ko lamang. Patawad dahil hindi ako nag-aral ng maayos kagabi at kailangan pa kitang kopyahan.
Maraming salamat sa mga taong nakaintindi sa akin. Maraming salamat din po sa mga tumulong sa akin, pati na rin sa mga sumubok na tumulong sa akin. Maraming salamat po sa mga tumulak sakin sa paggawa nitong public apology video. Ipinapangako ko sa inyo na hindi na po mauulit iyon. Hindi na ako gagawa o sasama sa mga activities na pwedeng maging dahilan ng kaso. Pinapangako ko na hindi na ako mandadaya. Pinapangako ko rin na mag-aaral na ako ng mabuti simula ngayon. Sir Jaycee, pinapangako ko po na makikinig na po ako sa klase niyo simula ngayon. Magsusulat at mag-aaral na rin po ako ng mahusay sa mga darating niyo pong pagsusulit.
Ang naging kaso ko ay pandaraya. Tinatanggap ko na nagkaroon ako ng kaso dahil mali ang aking ginawa. Ang pandaraya ay isang malakimg kasalanan at kinopyahan ko lang ang pinaghirapang aralin ng iba. Kaya nais kong humingi muli ng tawad sa aking guro at sa kaklase ko na nadamay pa sa aking kaso. Para sa ibang mag-aaral, sana hindi kayo magaya sa akin. Sana makapag-aral kayo ng mabuti at huwag gumaya sa akin. Ipinapangako ko na mag-aaral na ako ng mabuti. Sisikapin ko na hindi makatulog sa klase, at nangangako po ako na hindi na ako ulut mandaraya sa mga pagsusulit natin. Maraming salamat po sa mga umintindi at paumanhin po ukit kay Sir Jaycee Cabilao, sa aking kaklase, at sa mga taong nadamay pa.
Charlene May B. Tamisin - Talumpati 1
Transcript:
Magandang umaga po sa inyong lahat. Para sa mga hindi pa nakakaalam, ako po si Charlene May B. Tamisin, isang alumni ng UP Rural High School. Ako po ay nag-aral ng apat na taon bilang isang Ruralite sa UP Rural High School. Sa loob ng apat na taong ito, marami na akong naranasan. Marami na rin akong nawalang kaibigan, marami na rin akong tinigil para lang magfocus sa acads ko. Nagkaroon narin ako ng "time" para sa pamilya ko no’ng natutunan ko kung paano balansehin ito.
Una sa lahat, alam kong lahat tayo dito ay nahihirapan. Nahihirapan tayong balasehin yung oras natin para sa pamilya, yung oras natin para sa mga kaibigan natin, yung oras natin para sa mga gusto nating gawin, mga activities natin, mga sports. Okay lang yan, normal yan. Pero naniniwala ako sa kasabihang, kung gusto mo may paraan at kapag ayaw, may dahilan. Kung gusto niyong balansehin yung sports nyo, acads nyo, co-curricular at oras para sa pamilya at kaibigan, madali lang iyan. Matuto lang kayo maglaan ng sapat na oras para sa mga bagay na iyon. Siguro pwedeng sumobra sa iba, pwedeng magkulang sa iba, kayo na ang bahala doon. Pero huwag kayong matataranta, huwag kayong mawawalan ng focus kung saan gusto niyo gawin ang isang bagay.
Para sa akin, noong nasa second year na ako, doon na ako nag-umpisang mahirapan sa acads ko at nahirapan narin akong balansehin yung oras ko para sa pamilya ko, sa kaibigan ko, at oras ko sa paglalaro bilang mahilig ako lumangoy at maglaro ng volleyball. Kung gusto niyo, gumawa kayo ng timetable. Ako ginawa ko ‘yon nung nag-aaral ako para sa mga darating na pagsusulit. Nagfofocus ako sa acads ko kapag may exams, mas pinapahalagahan ko ito kapag may pagsusulit. Kung wala naman kayong masyadong ginagawa sa acads, kung wala namang ganap sa iskul nyo, pwede naman kayong maglaan ng mas maraming oras para sa kaibigan niyo, mas maraming oras sa paglalaro. Sa mga events naman gaya ng intramurals, pwedeng mas pahalagahan ang sports kesa sa acads.
Ang sinasabi ko lang ay may mga oras na mas pahahalagahan niyo yung isang bagay kesa sa iba. Alamin niyo lang kung kelan iyon. Alamin ninyo kung anong mas importante sa ganitong oras at yun yung unahin niyo. Hindi ko sinasabi na huwag niyong pahalagahan yung iba, na huwag niyong acads, hindi ko sinasabi iyon. Ang sinasabi ko lang ay matuto kayong balesehin. Matuto kayong alam kung anong unang dapat gawin, yung unang tatapusin, at yung hindi naman agad-agad kailangan. Ang pagbabalanse ng oras, acads, co-curricular ay hindi agad nagagawa. Ngunit, natututunan ‘yan. Sana sa paglaki niyo ay matutunan niyo rin yan gaya ng natutunan ko.
Maraming salamat po at na-imbitahan ninyo akong magsalita dito sa alumni forum ng UPRHS. Paalam.
Sunday, October 7, 2018
Karl Emmanuel Blanco - Talumpati 2
Sa ating punong-guro na si Prop. Liza C. Carascal,
sa ating mga guro, at sa aking mga kapwa Ruralites, na naririto ngayon at
nakikinig, magandang araw po sa inyong lahat. Ako po si Karl Emmanuel E. Blanco
ng 9-Acacia. Naririto po ako ngayon sa inyong harapan upang humingi ng tawad sa
aking nagawang malaking kasalanan sa
inyong lahat. Patawad po kung ginamit ko ang social media, partikular na ang
Twitter, bilang isang anyo ng paninira. Patawad po sa mga guro at sa mga
kamag-aral na siniraan ko. Patawad din po kung nawalan ako ng disiplina sa
paggamit ng mga salita sa social media. Inaamin ko pong sumobra na ang mga rant at mga masasakit na komento ko sa
inyo. Sana’y mapatawad pa po ninyo ang aking nagawang kasalanan at sana’y
tanggapin ninyo pa rin po ako sa Mataas na Paaralang Rural ng Unibersidad ng
Pilipinas sa kabila ng aking nagawang malaking kasalanan. Nagawa ko lamang po
ito dahil sa kawalan ng self-control at disiplina. Sumobra na rin po ang
paggamit ko ng social media na nauwi sa maling paggamit ko nito. Nauwi rin po ito
sa mga away at dahil dito, humihingi po ako ng labis na kapatawaran. Lubos po
akong nagsisisi sa lahat ng mga nagawa ko. Pinapangako ko pong hindi ko na po
uulitin ang anomang masasamang kaugalian at gawaing aking nagawa. Sa mga
patuloy pa ring gumagawa ng mga ganitong gawain, sana’y itigil niyo na ang mga
gawaing ito dahil hindi rin kayo ang makikinabang sa mga ginawa ninyong iyon sa
dulo. Sa lahat po ng mga nakikinig ngayon, muli patawad po sa inyong lahat.
Sana’y may natutunan po kayong aral mula sa mga kamalian ko. Ako po muli si Karl
Emmanuel E. Blanco ng 9-Acacia. Maraming
salamat po sa pakikinig.
Karl Emmanuel Blanco - Talumpati 1
Sa ating mga guro at sa aking mga kapwa estudyante,
magandang araw po sa inyong lahat. Ako po si Karl Emmanuel E. Blanco mula sa
Mataas na Paaralang Rural ng Unibersidad ng Pilipinas. Naririto po ako ngayon
upang magbahagi ng kaunting kaalaman at mga payo tungkol sa maayos na
pagbabalanse ng oras. Marahil isa na sa pinakamahirap na problema o di kaya’y
pagsubok na kinakaharap ng isang estudyante ay ang pagbabalanse ng oras. Parte
ng buhay-estudyante ang pagbabalanse ng oras sa mga gawaing akademiko (acads),
mga gawaing ko-korikular tulad ng isports, at pagiging isang mabuting anak,
kaibigan, at kapatid (kung mayroon man). Bilang isang estudyante, ako rin mismo
ay nahihirapan sa pagbabalanse ng aking oras. Ngunit, paano nga ba natin dapat
balansehin ang ating oras? Magbibigay ako sa inyo ng ilang mga payo ng
epektibong mga paraan at mga magagandang kaugalian sa pagbabalanse ng inyong
oras. Isang magandang kaugalian upang magkaroon ng maayos at epektibong
pagbabalanse ng oras ay ang disiplina. Kapag ang isang tao ay may disiplina,
makakaya niyang balansehin ang kanyang oras nang maayos. Sa pagbabalanse ng
oras makatutulong ang paggawa ng schedule na madaling masunod at kayang mailapat
sa panibagong oras kung magkaroon man ng mga hindi inaasahang pangyayari. Kapag
ang isang tao ay may disiplina sa sarili, makakaya niyang sumunod sa kahit
anomang schedule ang gawin niya. Kailangan ding maging responsible ng isang
estudyante. Kapag alam ng isang estudyante ang mga responsibilidad niya, alam
din niya kung ano-ano ang mga bagay na kailangan niyang gawin. Kapag alam na ng
isang estudyante kung ano ang kanyang mga responsibilidad, malalaman na rin
niya kung ano-ano rito ang kailangan niyang unahin at magagawa na rin niya nang
maayos ang kanyang schedule. Kapag alam na alam na ng isang estudyante ang kanyang mga
responsibilidad, sa simula pa lamang ay maisasaayos na niya ang kanyang mga
gawain at madali na rin niyang malilipat sa panibagong oras ang mga gawain kung
magkaroon man ng mga hindi inaasahang pangyayari. Iwasan natin ang multitasking o ang pagpipilit sa
pagsasabay-sabay ng mga gawain kaya’t nawawalan ng pokus ang mga estudyante sa
paggawa. Iwasan din ang cramming o
ang pagsasabay-sabay at paggawa ng mga gawaing matagal nang iniatas kung kalian
malapit na ang deadline o pasahan.
Nagdudulot ito ng stress na maaaring
maging sanhi ng hindi maganda o maayos na pagkakagawa sa mga gawain. Para sa
akin dapat pa rin nating unahin ang ating pamilya at mga kaibigan dahil sabi
nga ng iba, “Ang mga tao ay may pakiramdam at kayang magbalik ng pagmamahal sa
iyo di tulad ng acads, pinaghirapan mo, pero hindi naman niya kayang magbalik
ng pagmamahal sa iyo.” Dapat unahin pa rin natin ang pamilya at mga mahal natin
sa buhay dahil sila rin naman ang magpapahalaga sa mga pagsisikap na ginawa
natin sa pag-aaral natin. Siyempre, mayroon din namang mga pagkakataong mas
mahaba ang panahong iginugugol natin para sa pag-aaral kaysa sa pamilya, tulad
panahon ng markahang pagsusulit, at iginagalang naman nila iyon dahil alam
nilang naghihirap tayo para sa kanila. Kadalasan, ako’y naglalaan ng tatlo
hanggang apat na oras para sa mga gawaing akademiko (tests, requirements,
projects, etc.) at isa hanggang dalawang oras naman para sa mga ko-korikular na
gawain. Kadalasan ay may laro kami tuwing Sabado at Linggo sa Volleyball
Varsity bilang bahagi ako ng team. Mahirap man ang pinagdaraanan nating mga
estudyante, hinahanda tayo sa isang lalong magulong mundo upang hindi tayo
mabigla sa hinaharap. Ang mga natututunan natin ngayon ay magagamit natin sa
kinabukasan para sa ikauunlad ng bansa. Muli, ako po si Karl Emmanuel E.
Blanco. Magandang araw po sa inyong lahat.
Klenn Jakek V. Borja - Talumpati 2
Transcript:
Magandang umaga po sa inyong lahat. Alam ko pong kilalang-kilala niyo na ako pero bilang gabay sa mga taong hindi pa nakakaalam sa akin, ako nga po pala si Klenn Jakek V. Borja. Nais ko pong humingi ng tawad sa inyo sa nakaraang periodical eksam.
Ano namang meron sa periodical eksam? Ako'y nandaya sa aking mga pagsusulit. Alam ko, ito'y makasarili, walang galang, hindi tapat kung tawagin, at isang kahiya-hiyaan ang aking ginawa. Walang lugar na pwedeng lagyan ang aking pagkakamali sapagkat ang UPRHS, ang lugar na aking kinatatayuan, ay isang prestihiyosong paaralan sa pambansang Unibersidad ng Pilipinas. Bakit naman ako nandaya? Takot. Takot na ako'y magkaroon ng mababang grado, takot na ako'y mapagalitan ng aking pamilya sapagkat hindi ko nakamit ang kanilang mga ekspektasyon. Alam kong hindi ito rason upang ako'y mandaya. At ito'y natagpuan kong tama. Ako'y nagsisisi sa aking pagkakamali. Tignan niyo ako ngayon, nasa entablado, nagbibigay ng paumanhin sa inyo. Bagsak sa kard. Bagsak pa sa aking pamilya, bagsak sa aking mga kakilala. Nasira ang tiwala ng mga taong malalapit sa akin. Lumala pa ang aking kundisyon dito sa aking minamahal na paaralan. Walang duda na itong pandaraya ay makakaapekto sa aking kinabukasan, kinabukasan na ako'y tanggapin ng mga Unibersidad, kinabukasan na ako'y makahanap ng trabaho. Paano naman ang aking pamilya? Sila ang gumabay sa akin upang ako'y makapunta sa paaralang ito. Ngunit nawala sa landas ng ako'y nandaya. Sasayangin ko ba ang kanilang dugo't pawis. Syempre hinde. Nalaman ko na mas gugustuhin ko pang makakita ng ZERO sa aking eksam paper kesa na makakuha ng PERPEKTONG 100, may very good pang kasama sa top-right corner ng aking papel. Wala na... sira na ang aking buhay. Isa akong palpak na anak, estudyante, at kaibigan. Ngunit nagbago itong lahat ng ako'y bigyan pa ng isang pagkakataon. Nalaman ko na ako'y kailangan ng aking mga pamilya, kaibigan, at mga taong nakapaligid sa akin. Sisikapin kong tigilin lahat ng puwersang magiging sagabal sa buhay ko. Mag-aaral ako ng maigi upang hindi na ako mapunta sa maling daan. Sisikapin ko rin na makamit ang mga ekspektasyon ng mga taong nakasalalay sa akin. Ang araw na ito ay magsisilbing gabay upang ako'y maging isang mabuting tao para sa aking kinabukasan. Magandang umaga po sa inyong lahat, paumanhin po sa inyo at maraming salamat sa pagtanggap muli sa akin.
Klenn Jakek V. Borja - Talumpati 1
Transcript:
Magandang umaga sa inyong lahat! Ako nga po pala si Klenn Jakek V. Borja, isang estudyanteng nasa ika-siyam na baitang sa UPRHS. Salamat sa iyong tanong. Buhay-estudyante… hay. Para sa akin, mahirap talaga maging isang estudyante sapagkat isa ito sa kailangan mong harapin kung gusto mo magkaroon ng magandang kinabukasan. Sa iyong mga sinabi kanina, acads, co-curricular, pagiging isang anak/kapatid/kaibigan. Unahin muna natin sa acads. Alam naman natin na mahirap ang acads sapagkat pwede ito maging sagabal sa ating talaan ng mga gawain pang-araw-araw maging ang mga wikends na kasama natin ang ating pamilya. Mayroong din sa mga kabilang na ang mga proyekta na may takdang araw na kailangang ipasa ang mga nagawa. Marami sa atin bilang mga estudyante ang nakaranas na ng walang tulog magdamag o mayroon ngang tulog pero unti lamang. Ang tawag natin doon ay ‘procrastination’ o paggawa ng mga takdang gawain na nakatakda para bukas na sinabi naman noong nakaraang isang linggo. Ngunit kaya naman natin ito masolusyonan gaya ng pag-balance natin ng mga gawain. Sa aking palagay, hinahati ko ang mga kailangang gawain sa mga gawaing pwede naman gawin pagkatapos gawin ang mga kailangang gawin. Medyo nakakahilo diba? Basta ang pag-balance ng acads para sa akin ay paggawa ng acads bago ang mga gawaing libangan o aliwan. Sa co-curricular naman, pagkatapos ko gawin ang mga ‘acads’ ay papraktisin ko naman ang aking mga ‘hobbies’ na tinatawag. Ang aking libangan ay pagtugtog ng mga instrumento na para sa akin ay nakatutulong din sa aking pag-aaral sapagkat iniisip ko na pag ako’y nakatapos ng isang gawain tulad nito ay piling ko kaya ko pang magtapos ng iba. Oo, mahirap ngang ipagpaliban muna ng ilang araw ang mga nakakaaliw na gawin pero ang mga bagay naman na ito, pwedeng gawin muli pagkatapos gawin ang mga mahahalagang bagay. Sa pagiging isang anak/kapatid/kaibigan, para sa akin ito’y mas nararapat na mauna. Ititigil mo ba ang iyong kamay sa pagsulat ng essay, sa pagtugtog ng gitara e’ may nangyari na sa kapamilya/kakilala mo? Oo, mahalaga nga ang dalawang nauna sa sinabi ko pero nararapat rin ng tulong at gabay ang mga taong nagpakilala satin sa mundong kinahihintulutan o ating kinatatayuan. Maaaring may oras na magkaroon nga ng panahon na tayo’y kumailangan rin ng tulong ng iba at naandoon sila para sa atin. Bilang buod ng sinabi ko bilang estudyante, uunahin ko maging isang anak/kapatid/kaibigan bago gawin ang acads at ipagpatuloy ang interes sa iba’t ibang larangan ng co-curricular. Maraming salamat sa mga nakinig sa aking mga sinabi at sana’y nakatulong man lang ako sa inyo.
Friday, October 5, 2018
Ezekias D. Correa - Talumpati 2
Transcript:
Magandang umaga po sa inyong lahat. Ako po ay si Eias Correa, na nasa
ika-siyam na baitang, pangkat Acacia. Lagi ba kayong kumakain sa loob ng
canteen? Alam ba ninyo ang mga patakarang dapat sundin dito? Bilang isang
Ruralite, alam ko ang mga patakarang ipinatutpad dito. Subalit, narito ako ngayon
upang humingi ng paumanhin sa aking nagawang paglabag sa alituntunin ng ating paaralan.
Kahapon ay tatlumpung minuto lang ang lunch break namin. Sa aking
pagmamadali para hindi mahuli sa susunod na klase, hindi ko naayos ang aking pinagkainan
sa canteen at naiwan ko pa ang balat ng aking kinainang tsokolate sa lamesa.
Hindi ako sumunod sa patakarang self-bussing sa canteen at sa patakarang itapon
sa tamang lugar ang basura.
Inaamin ko po na ito ay isang pagkakamali at may mga taong naapektuhan.
Una, walang ibang maglilinis ng aking iniwang pinagkainan at kalat kundi ang
mga staff sa canteen. Ito ay dagdag trabaho sa kanila at maaabala rin sila sa
kanilang mga ginagawa. Ang iba pang naapektuhan ay ang mga taong nais kumain sa
malinis na mesa. Hindi nila magagawa ito dahil may iniwan akong pinagkainan at
kalat.
Mayroon man akong dahilan kung bakit ko iyon nagawa, dahil nagmamadali nga
ako para hindi mahuli sa susunod na klase, hindi pa rin iyon sapat na dahilan
para iwanan na lang ang pinagkainan. Ito ay maituturing paglabag sa patakarang
pampaaralan.
Kaya’t narito po ako ngayon sa inyong harapan, at nagsisisi sa aking
nagawa. Humihingi ako ng tawad sa paaralan, sa pagsuway ko sa patakaran.
Humihingi ako ng tawad lalo na sa mga staff na naabala at naglinis ng aking
kalat. Pasensya na rin sa ibang mga nais kumain subalit nandun pa ang aking
pinagkainan at kaalat. Patawad po ang aking hinihiling mula sa inyo. Sa susunod
po ay lagi ko nang aalahanin na ilagay ang aking pinagkainan sa tamang lagayan
at itatapon ang aking basura sa tamang lalagyan. Uugaliin ko na ring kumain ng
tangahalian nang mas mabilis at hindi na makikipag kwentuhan pa upang magkaroon
ng sapat na oras na magligpit at hindi magamamadaling pumunta sa susunod sa
klase.
Ang isang pagkakamali ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang matuto
at magbago. Natuto na po ako at alam ko pong ito ay may kaakibat na kaparusahan
upang mas maging disiplinado. Dahil sa aking nagawa, ay handa po akong maglaan
ng work service sa canteen. Ito ay magbibigay sa akin ng pagpapahalaga sa mga
ginagawa ng mga staff sa ating canteen at laging maalalala na may iba pang
taong gumagamit ng canteen, kaya’t kailangang magligpit bago umalis.
Maraming salamat po at salamat sa inyong pang-unawa.
Ezekias D. Correa - Talumpati 1
Transcript:
Magandang araw sa inyong lahat. Ako ay si Eias Correa. Isa akong mag-aaral
sa Mataas na Paaralang Rural ng Unibersidad ng Pilipinas. Hindi lahat ng
kabataan ay nabibigyan ng pagkakataong mag-aral, kaya’t maituturing kong isang
napakahalagang pagkakataon na maranasan ko ang buhay estudyante.
Masasabi ko na ang isang estudyante ay hindi lang puro masasayang talakayan
sa loob at labas ng silid aralan. May mga pagkakataon ding malungkot, o puno ng
hamon at problema. Marami naman sa atin ay nakaranas o nakakaranas ng
problemang, tawagin na lang natin sa pangalang REQS, o pinaikling requirements,
na parang walang katapusan.
Nakakabit sa problema sa requirements ang nakikita kong mas malaking
problema ng mga estudyante: ang pagbabalanse ng academics, co-curricular
activities, at mga gawain sa labas ng paaralan. Sa unang tingin, parang
masyadong marami ito para sa isang estudyante. Kapag ang mga ito ay hindi nababalanse, tayo
ay maguguluhan, at wala namang may gusto ng ganoon, hindi ba?
Ngunit kaya naman ng isang estudyante na balansehin ang mga gawain. Sa
pagbalanse ng mga ito ay mas dadali ang buhay at mas uunlad ang isang
estudyante hindi lang sa aspetong pampaaralan, bagkus ay sa pansariling
pagunlad bilang tao.
Paano naman mababalanse ang mga gawain? Mayroon akong tatlong
mahahalagang payo sa inyo.
Una: gawin muna ang mga mahahalaga. Tanggapin natin: hindi masaya ang mga
requirements. Dahil sa requirements, nawawalan tayo ng oras para sa ating mga
sarili. Ngunit kapag inuna natin ang mga nagpapasaya sa atin, tatambak nang
tatambak ang mga requirements na hindi nagagawa. Kaya kapag malapit na ang
deadline, saka nagmamadali. Para hindi na umabot sa cramming, unahin na ang mga
mahahalagang dapat nang maisumite. May kasabihan nga ako diyan: sakripisyo bago
sarap. Kapag inuna natin ang mga requirements, hindi na natin kailangan
magmadali kapag malapit na ang pasahan, at lumuluwag din ang ating mga oras
para sa ibang gawain. Kaunting sakripisyo lang naman ang kailangan.
Ang pangalawang payo ko ay: Hindi masamang humingi ng tulong. May mga
pagkakataon na nahihirapan talaga tayo. Dito pumapasok ang mga ating mga guro,
kaklase, kaibigan, at kapamilya. Kapag hindi ka humingi ng tulong, patuloy kang
mahihirapan, at maaapektuhan rin nito hindi lamang ang iyong pag-aaral pati na
ang iyong mga emosyon. Sa paghingi mo ng tulong, mas makakaya mong harapin ang
iyong mga problema at gagaan ang iyong pakiramdam. Mas madali kang makakagawa
ng requirements, at mas magkakaroon ka ng oras para sa mga ibang bagay.
At ang pangatlong payo ko ay: magpahinga pagakatapos ng trabaho. Nagpuyat
ka, nagpagod ka, at sa wakas tapos ka na. Ano na ang iyong gagawin? Magpahinga!
Magpahinga ka sapagkat nagawa mo na ang dapat gawin. Magpahinga ka rin upang
magkaroon ka ng lakas at magandang pakiramdam para sa mga susunod na gawain.
Bago ako magpaalam, uulitin ko lang aking tatlong payo para mabalanse ang
mga gawaing-pang estudyante. una: sakripisyo bago saya, pangalawa: hindi
masamang humingi ng tulong mula sa iba, at pangatlo: magpahinga! Nawa’y may
napulot kayo sa aking mga muniting payo.
Maraming salamat at magandang araw
sa inyong lahat.
Monday, September 24, 2018
Maligayang Pagbisita!
Kamusta! At naririto kayo sa isang blog na naglalaman ng mga mahiwagang posts at 'videos' na naglalaman ng mga impormasyong tungkol sa pagtatalumpati, at mga vlogs ukol sa mga interes' na pinili ng aming mga kagrupo para sa proyektong ito. Maaliw sana kayo sa mga 'videos' na ihahanda namin para sa inyo!
P.S: May pagkakataon na hindi kami makapag-upload ng videos sa loob lamang ng isang linggo. Sapagkat, makikita niyo lahat ang aming mga awtput pagdating ng ika-lima ng Oktubre.
Subscribe to:
Posts (Atom)